Makata ang Pag-ibig

Ni: Verlin Santos

Isa itong tula pero ang sabi nito’y hindi ako makata.

Hindi pa ako tapos at hindi ito matatapos
Hayaan mo ang salita ang sa puso mo’y yumapos
Lantad ang damdaming naghuhumiyaw sa pagkagapos
At sa iyo tanging ikaw ang pagsinta’y ibubuhos.

Sa ma’liwalas na salaming pinagkilanlang langit
Doon kita natagpuan at doon ako lumapit
Sinangga ko ang lintik at hinarap ko ang balakid
Doon nagtagpo ang ating mga matang umiibig.

Isasayaw kita hanggang sa mga paa’y mapagod
Aawitan ka hanggang sa puso mo’y maanod
Katumbas mo’y talinhagang sa lita sa’king taludtod
Nagsilbing inspirasyon upang damdamin ay mabuklod.

‘Sing tayog, ‘sing kinang ng estrelya ang aking pagsinta
‘sing lawak ng disyerto, isusulat kong mahal kita
Kaya kong pataubin kasing laki ng dambuhala
Maihayag lang ang saloobin, ang aking panata.

O, Ikaw ang habangbuhay at ako ang walang hanggan
Ikaw ang aking pangako at ang aking kasumpaan
Ako ang iyong isinamo, ang iyong katuparan
At tayo ang larawan ng wagas na pagmamahalan.

Hindi ako makata at iyan ay sabi ng tula
Kundi makata ang pag-ibig, sadya ay talinhaga
Talim ang salita’t kataga,kahuluga’y tadhana
Tanggi ko’y tula’y pag-ibig ‘yan ay sabi ng makata.