Period

ni: Verlin Santos

(Isang tula na inaalay para sa lahat ng mga kababaihan)

Pinakaayaw ko talagang panahon ng kababaihan
ay kapag meron ka
hindi dahil sa alam mo na
kundi dahil sa hindi ko matimpla
ang rekado mo
masyadong komplikado
minsan abusado
madalas gusto
kahit hindi ka sigurado
siguro kasi meron ka
at naiinis ka dahil wala ako
o wala ka ng meron ako
o meron ka ng wala ako
o meron o wala ka ng ako
o ako ay meron ka, wala ako
o ikaw ay ako
Hindi.
Babae ka.
Babae ka nga.
Period.

Pero kahit ganito,
ang babae ay kayamaman dahil sa pusod mo nagmumula
at sa puso nanggagaling
ang hindi kayang sukatin ng tugma
Babae ka
at hindi isang babae lang
kundi babae ka
na hindi nakabase sa laki ng balakang
kundi sa kung anong balak mo sa hinaharap
hindi sa laki ng hinaharap
hindi nasusukat ang pagiging babae
sa kung ano ang hulma ng lalagyan
kundi sa espiritu na kumakawala
sa bawat bote na bubuksan

Malakas ang tama
Oo, madalas kang tama
nakakatsamba ka ng tama
sa mga tama mong hinala
kasi babae ka
hindi ka lang basta karugtong
ng laman ni adan
hindi ka lang laman tiyan
sa kalamnan
at kahit kailan
hindi nalimitahan ng pagiging babae mo
ang pagiging mong indibidwal
babae ka
at ang babae…
minamahal

Babae ka
na hindi pinipilian ng araw
kung kailan lang dapat espesyal
hindi lang sa araw ng mga puso
o sa araw ng mga ina
o sa araw ng mga kababaihan ka lang
magiging kakaiba
araw-araw ay okasyon na dapat ipagdiwang
at wala sa petsa matatagpuan ang iyong bilang
dahil aanhin pa ang bumabahang numero sa kalendaryo
na lilipas at lilisan
kung higit pa ang taglay mong saysay sa isang libo’t
mahigit na kasaysayan

Tatandaan mo
na wala sa nipis at kapal ng kolorete
ang kagandahan
sa kilay na tabingi
o sa labi na hindi nakulayan
dahil kahit na matapos lagi ang ulan
at walang bahagharing masilayan
wala man salitang “bahagreyna”
sa diksyunaryo ng kaalaman
kahit pagsama-samahin mo ang kulay
ng crayola na kahit ako mismo
hindi ko maintindihan ang pangalan
at kahit na mas magulo ka pa sa
estado ng gobyerno
ikaw pa rin ang pinakamakulay
na larawang ipipinta ng mundo
kasi babae ka
Oo,babae ka
tapos ang usapan
babae ka
Period.
No erase.
Padlock.
Goodluck.
Walang kokontra.

Sabihin man ng iba na mahina ka
pero sa pahina ng lupa ay makikita ka
na isa ka sa nagtaguyod ng kulturang
dapat ilebel ang pagkakapantay-pantay
at hindi na natin kailangan pang maghintay
ng tamang pagtrato sa iyo
hindi minamaltrato ang gaya mo
hindi porket may “baba” sa babae
ay mababa na ang ranggo mo
tatandaan mo na ang ilaw, kinakabit sa kisame
kung bakit ikaw ang ilaw ng tahanan
kasi ikaw ang babae.

Period.